Wednesday, July 21, 2010

Kung Paanong Nagsimula ang Lahat

Kung bubuklatin ko ang libro ng aking nakaraan - naks, huwag masyadong ma-overwhelm, etching lang yan - mapapabahing ako ng todo-todo. Natural, masyado nang maalikabok ang librong 'yun, if ever, kasi matagal nang nakatago sa baul. Imagine-in niyo na lang kung gaano ka-brittle ang mga pahina, kung ano ang amoy nito mula sa pagkaka-imbak. I'm sure mapapabahing rin kayo.

Pero sa isang banda, napaka-nostalgic ng feeling habang binubuklat mo ang bawat pahina, don't you think? Isipin mong nakasalampak ka sa sahig, mag-isa ka lang, malamyos na pumapailanlang sa kuwarto mo ang madamdaming musika. Mapapangiti ka habang unti-unting rumaragasa ang alaala ng nakaraan. Hindi mo mapapansin na matatangay ka sa agos ng mapanganib na paghaharaya.

Mga anim na taong gulang lamang ako noon. Ayaw kong umalis mula sa pagkakatayo sa pintong nagdudugtong sa sala at kusina. Mahigpit ang pagkakahawak ko sa pader. Sa sala, unti-unting numinipis ang pasensya ng ninang ko, kanina pa ang pag-amo niya sa 'kin. "Pumarine ka na sa sala kasi magbibihis ang ninong mo." Hindi ko lubos maisip kung ano ang masama sa puwesto ko. Nakatalikod naman ako sa kusina. May pagkasuwail na ako noon pa man. Ayaw kong tuminag.

Bagong ligo ang ninong ko. Sa probinsya, hindi uso ang banyo. Hindi rin uso ang tuwalya. Ang pagpapalit ng basang damit ay ginagawa sa kusina. Walang imik si Ninong , pero alam kong nag-iinit na rin ang ulo niya. Umiyak ako. Higit siguro sa kawalang katarungan ng sitwasyon kesa sa takot.

Pero hindi pa rin ako umalis mula sa pagkakayakap sa pinto. Umalagwa ang sinturon ni Ninong. Hindi ko mabilang ang hagupit niyon sa aking puwet. Sa sala, walang imik si Ninang. Naghahalo ang awa at pagtataka sa mukha niya. Pagtataka, dahil hindi niya maintindihan kung bakit ayaw kong umalis sa may pintuan.

Ang ninong ko ang unang lalaking pinagpantasyahan ko. Nang maulila kami ng mga kapatid ko, napunta ako kina Ninang. Dahil wala silang anak ni Ninong, ako ang itinuring nilang supling. Ramdam ko na noon pa na medyo mabigat ang loob ni Ninong sa 'kin. Hindi ko alam noon kung bakit. Siguro'y ang presensya ko ang laging nagpapaalala sa kanya na hindi siya makabuo ng tulad ko. Matagal na nilang gustong magkaanak ni Ninang pero kahit anong subok, wala ring nangyari.

Naging saksi ako ng kanilang mga 'pagsubok.' Sa mga gabing akala nila'y tulog na ako, naririnig ko ang langitngit ng katre. Nakatatak sa memorya ko ang kakaibang tunog na pumukaw ng aking interes. Sa dilim ay nakakalikha ako ng mga gumagalaw na imahe - ang ninong ko sa ibabaw ng ninang ko.

Magandang lalaki si Ninong. Nagmula siya sa lahi ng matatangkad at matatangos ang ilong. Sa baryo, pansin ng lahat ang pantay niyang mga ngipin. Masipag at responsable pero may pagka-babaero at, binibiro ng mga kabarkada na baog. Sayang lang daw ang gandang lalaki niya kung wala siyang mapagpasahan ng lahi.

Alam na rin marahil ni Ninong ang kakaibang dugong nanalaytay sa ugat ko kaya maingat siya. Ni hindi ko siya nakitang nakahubad. May mga pagkakataong tumatambay ako sa itaas ng punong mangga sa tabi ng bahay kapag tanghali para mahuli siyang umiihi pagkagising sa siesta, pero palagi niya akong napapansin.

Sa tanang buhay ko, hindi ko siya nasilipan.


No comments:

Post a Comment